Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa mga pamilihan, magsasagawa na ng imbestigasyon ang Department of Agriculture (DA) sa posibleng manipulasyon o kaya’y pag-iipit sa supply ng bigas kaya’t sumipa na ang presyo nito sa P56 kada kilo.
Ayon kay DA deputy spokesman Rex Estoperez, puntirya ng kagawaran na mag-stabilize ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng pagsasagawa ng monitoring ng rice stocks sa iba’t ibang pinagkukunan nito.
Sinabi ni Estoperez na nakatatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y hoarding ng malaking bulto ng bigas habang hinihintay sumipa ang presyo nito sa mga pamilihan at ito ngayon ang kanilang tinututukan.
Pakay din ng DA na mabigyan ng visiting powers upang makapagsagawa ng inspeksiyon sa mga warehouse kung saan pinagsusupetsahang itinatago ang tone-toneladang rice supply upang magkaroon ng artificial shortage.
Aniya, bineberipika din ng DA ang mga report na may mga barkong dumating at may kargang rice supplies subalit iniipit ang mga ito ng mga tiwaling traders.
Bukod dito, mayroon ding rice traders na nagaalok ng P38 per kilo ngunit kaunti lamang ang kanilang ibinibentang bigas kaya naaapektuhan ang prices structure ng naturang produkto.
Aminado si Estoperez na pabor siya sa pagrerepaso sa Rice Tariffication Law subalit kailangan munang hintayin ang datos mula sa pribadong sektor hinggil sa tunay na estado ng rice supply sa bansa bago gawin ang hakbang na ito.