Tiyak nang mawawala ang mga cash lanes sa mga highway facilities na pagaari ng Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC) dahil sisimulan nang ipatupad ang 100 percent cashless payment system sa Setyembre 1, 2023.
Ito ang inihayag ni MPTC president Rogelio Singson na siya ring nagsabi na tanging electronic toll booths na lang ang maaaring daanan ng mga motorist na obligadong gumamit ng radio frequency identification (RFID) stickers sa kanilang sasakyan.
Ang MPTC ay ang may-ari at nangangasiwa sa mga pangunahing tollways na kinabibilangan ng North Luzon Expressway (NLEX), Manila-Cavite Expressway (CAVITEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), NLEX Connector Road, Cavite-Laguna Expressway (CALAX) at Cebu Cordova Link Expressway (CCLEX) sa Cebu.
Sa pagtaya ng MPTC, aabot na 75 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga motorista na dumaraan sa tollway systems ang gumagamit ng RFID system. Ang RFID stickers ay kanilang makukuha na walang kabayaran.
Sa pagsusulong ng “100% cashless lanes,” umaasa si Singson na ganap maipatutupad nila ito sa pagpasok ng 2024.
Matatandaan na unang tinangkang ipatupad ng mga tollway operators noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic ang 100% cashless tollway system ngunit ito ay pumalpak dahil hindi kinaya ng dating RFID technology na iproseso ang malaking bulto ng mga sasakyan na dumaraan sa mga electronic toll booths.
Noong mga panahong iyon, nagkaroon din ng shortage ng RFID stickers dahil sa malaking demand para dito.
Ito ay bunsod ng inilabas ng Department of Transportation (DOTr) ang Department Order No. 2020-012 sa pagpapatupad ng cashless payment system sa mga expressway.
Samantala, nagpahayag din ng kahandaan si San Miguel Corporation (SMC) president at CEO Ramon Ang na magpatupad 100% cashless tollway system matapos aprubahan na ito ng Toll Regulatory Board (TRB) ang kanilang aplikasyon.
Ang SMC ang nangangasiwa sa South Luzon Expressway (SLEX), Skyway, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway, Muntinlupa-Cavite Expressway at NAIA Expressway.