Kailangan ng mga manggagawang Pinoy na patuloy na palawakin ang kanilang kaalaman at magdagdag pa kung kinakailangan para makasabay sa lumalaking pangangailangan ng sektor ng industriya.
Ito ang pahayag ng bagong managing director ng Jobstreet Philippines, isang online job employment company na si Dana Majarocon.
Paliwanag ni Majarocon sa panayam sa kaniya ng Business Roadshow ng ANC kamakailan, dapat na hindi magkasya ang isang empleyado sa isang espesyalisasyon kundi mas palawakin pa ang kaniyang kaalaman para makahanap ng mas magandang oportunidad.
Aniya, patuloy na nagbabago ang larangan ng paghahanapbuhay at pagnenegosyo sa bansa, kung kaya napakahalagang makaagapay ang isang jobseeker sa bagong rekisitos na hinihingi ng mga kompanya gaya ng “soft skills” na kinabibilangan ng kahusayan sa komunikasyon, pagiging pleksible sa trabaho, at kaalaman sa teknolohiya lalo na’t umaabante na sa digital age ang bansa.