Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na pansamantalang inilagay sa kanilang kustodiya ang radio personality at dating TV host na si Jay Sonza matapos itong arestuhin habang papaalis ng bansa.
Ayon report, si Sonza ay naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) habang ito ay pasakay ng eroplano patungong Hongkong halos dalawang linggo na ang nakararaan.
Matapos damputin ng BI agents upang sumailalim sa imbestigasyon, ang 67-anyos na broadcaster ay inilipat muna sa pangangalaga ng NBI bago tuluyang dinala sa Quezon City Jail sa Payatas area.
Ang beteranong broadcaster ay dinampot ng BI base sa warrant of arrest na may kaugnayan sa 11 counts of large scale estafa at illegal recruitment.
Bukod sa kanyang mahabang stint bilang radio broadcaster at TV news anchor, si Sonza ay tumakbo rin sa pagka-senador noong 2004 elections subalit hindi ito pinalad na manalo. Noong 2010, naghain din ito ng kandidatura sa pagka-bise presidente sa ilalim ng Kilusang Bagong Lipunan subalit muling natalo sa halalan.