Walo hanggang 11 bagyo pa ang posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa mga natitirang buwan ng 2023, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ngayong buwan, ani PAGASA weather specialist Chris Perez, dalawa o tatlo pang bagyo ang inaasahang na dadaan sa bansa.
Ganyun din aniya ang bilang ng bagyong inaasahan sa buwan ng Setyembre at Oktubre, habang isa hanggang dalawang bagyo ang posibleng pumasok sa buwan ng Nobyembre at Disyembre.
Aniya, ang mga bagyong papasok sa bansa sa mga huling buwan ng taon ay posibleng hindi direktang tumama sa kalupaan ng bansa.
“This image, ang kino-convey ng image na ito, pwedeng yung mga bagyo natin during the forecast period, pwedeng tumawid ng kalupaan ng ating bansa, pwedeng kumilos nang malapit sa gilid ng ating bansa, o pwedeng nasa loob lang ng ating area of responsibility sa Pacific Ocean,” paliwanag ni Perez.
Nasa anim na bagyo na ang nanalasa sa bansa mula Enero hanggang Hulyo, at ang pinakahuli ay ang bagyong Falcon.
-Baronesa Reyes