Hindi na accessible ngayong Miyerkules, Hulyo 5, ang official account ni Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy sa popular social media platform na TikTok.
Mababasa ang “Account banned” notification sa orihinal na TikTok account ni Quiboloy na @pastor_acq.
Gayunman, isang tagged bilang “2nd Official Account” ni Quiboloy ang makikita sa TikTok na binuo nitong Hunyo 30.
Nauna rito, binura ng pamunuan ng YouTube ang channel ng self-proclaimed “Appointed Son of God” matapos ireklamo ng isang netizen, kinuwestiyon ang YouTube kung bakit pinapayagang umere sa nabanggit na platform ang isang pinaghahanap ng batas dahil sa mga seryosong paglabag.
Kabilang si Quiboloy sa most wanted ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Amerika dahil sa “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; bulk cash smuggling.”
Si Quiboloy ay spiritual adviser at malapit na kaibigan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
(Report ni LJ Bulawan)