Isa nang national shrine ang Quiapo Church sa Maynila.
Ito ay makaraang aprubahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) nitong Linggo, Hulyo 9, ang elevation ng Archdiocesan Shrine of the Black Nazarene, mas kilala bilang Quiapo Church, sa national shrine status.
Sa 126th plenary assembly sa Kalibo, Aklan, inaprubahan ng mga obispo ang petisyon na ideklara ang popular na simbahan bilang ika-29 na national shrine ng Pilipinas.
Sa pag-apruba sa petisyon ni Cardinal Jose Advincula ng Maynila, iginawad ng CBCP sa Quiapo Church ang titulong ‘National Shrine of the Black Nazarene.’
Ang simbahan, na tahanan ng antigo at pinaniniwalaang mapaghimalang imahen ng Poong Nazareno, ay paboritong dayuhin ng mga deboto mula sa iba’t ibang dako ng bansa, partikular na para sa ‘Traslacion’ tuwing Enero 9.
Mayo 10, 2023 lamang nang itinaas ni Cardinal Advincula ang status ng Quiapo Church sa archdiocesan shrine.