Inabot ng P125 milyon ang confidential funds na ginastos ng Office of the Vice President (OVP) noong 2022, habang nabawasan naman ng P147.56 milyon ang ginastos sa social subsidies, tulad ng tulong sa pagpapagamot at pagpapalibing sa mahihirap, ayon sa latest report ng Commission on Audit (COA).
Batay sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng OVP noong nakalipas na taon, gumastos ang tanggapan ni Vice President Sara Duterte ng P125 milyon sa confidential expenses, gayung walang kaparehong alokasyon sa tanggapan ng pangalawang pangulo sa nakalipas na mga taon.
Ang detalyadong MOOE ay makikita sa Notes to Financial Statement section ng 2022 annual audit report ng COA sa OVP, na uploaded sa website ng komisyon nitong Hunyo 29.
Ayon sa COA, ang confidential expenses ng COA “pertain to the expenses for the safe implementation of various projects and activities under the Good Governance Program and the conduct of official engagements, and functional representation in international and domestic events as instructed by the President.”
Gayunman, batay sa pagsusuri sa annual audit reports ng COA sa OVP simula 2016 hanggang 2021, sa ilalim ng pamumuno ni noon ay Vice President Leni Robredo, walang alokasyon at ginastos na confidential expenses sa mga nabanggit na taon.
SUBSIDIYA, TINAPYASAN
Samantala, natukoy din sa parehong MOOE breakdown na binawasan ng OVP ang ipinamahaging subsidiya sa mahihirap, gumastos ng P358.95 milyon noong 2022, kumpara sa P506.51 milyon noong 2021, sa termino ni Robredo.
Pinakamalaki ang natapyas sa “utilization of transferred funds to hospitals for Medical Assistance Program” na ginastusan ng P30.54 milyon noong 2022 kumpara sa P167.24 milyon noong 2021, o bumaba ng 81 porsiyento.
Nabawasan din ang “medical/burial assistance” sa P304.67 milyon noong 2022, mula sa P327.27 milyon noong 2021; gayundin ang “welfare goods expenses,” o ipinambili ng relief items sa mga apektado ng kalamidad at pandemya, na nasa P19.6 milyon noong 2022 mula sa P35.24 milyon noong 2021.
Kumaunti din ang ginastos sa libreng gamot, nasa P1.75 milyon noong 2022 mula sa P5.43 milyon noong 2021.
Kasabay nito, tumaas naman ang “sustainable livelihood and training subsidy” sa P20.14 milyon mula sa P7.43 milyon.
APURAHANG SATELLITE OFFICES
Sa parehong audit report, sinita rin ng COA ang OVP sa mabilisang pagtatayo ng mga satellite offices (SOs) pagkaupo sa puwesto ni Duterte, na nagresulta sa paglabag sa procurement law kaugnay ng pagbili ng property at kagamitan.
“The immediate establishment of OVP SOs without enough equipment to operate led to purchases of PPE (property, plant and equipment) and semi-expendable property totaling P668,197.20, not fully compliant under the relevant procedures and provisions of Republic Act No. 9184 (Government Procurement Reform Act) and its Implementing Rules and Regulations,” anang COA.
Nasa anim na regional SOs sa Visayas at Mindanao ang binuksan noong Hulyo 1, 2022, ang unang araw sa tanggapan ni Duterte, para mapabilis daw ang paghahatid ng serbisyo sa mga nasa probinsiya.
Pero dahil sa pag-aapurang mabuksan ang mga SOs, inabonohan ng mga opisyal ng OVP ang “purchase of PPE and semi-expendable property” ‘tsaka nagsagawa ng reimbursements ang tanggapan, na labag sa standard procurement procedures, sa ilalim ng RA 9184.
“The immediate establishment of OVP’s SOs without standardized and streamlined processes in handling and reporting of acquired PPE resulted in late reporting and recording of purchased property,” dagdag ng COA.
Paliwanag naman ng OVP, naniwala ang mga opisyal ng Administrative and Financial Services Office Group na ang pagbili sa paraan ng reimbursement ang pinakamainam na option para agarang maipatayo ang mga SOs.