Asahan na ang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na dalawang buwan, ayon sa Department of Energy (DOE).
Ani Rodela Romero, assistant director Oil Industry Management Bureau ng DOE, asahan na ang naturang pagtaas sa presyo ng langis, batay na rin sa pagtaya sa presyo ng S&P Global Platts. Nababatay kasi ang presyuhan ng langis sa Mean of Platts Singapore, o ang arawang kabuuang transaksiyon sa kalakalan diesel at gasolina sa Singapore Market.
Paliwanag ni Romero, kapag gumalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado, tiyak na gagalaw rin ang presyo sa lokal na pamilihan.
Naunang itinaas ngayong araw, Agosto 15, ang presyo ng petrolyo bunsod ng pagputol ng produksyon ng Saudi Arabia, sa kabila ng pagtaas ng demand dito.
Tumaas ng P1.90 kada litro ang gasolina at P1.50 kada litro ang diesel, samantalang P2.50 naman ang sa bawat litro ng kerosene.
Matatandaang P4.00 na ang itinaas ng presyo ng diesel noong nakaraang linggo–pinakamataas na umento sa petrolyong gamit ng kalakhan ng pampublikong sasakyan, partikular ang mga jeepney.