Huwag magtaka sa maulan na panahon tuwing madaling araw sa Metro Manila, sinabi ng weather forecaster ngayong Martes, Agosto 15. Iyan lang ang habagat na lumilikha ng mga isolated rainshowers at thunderstorms sa lugar.
Sinabi ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) weather forecaster Obet Badrina na ang pagkidlat ng madaling araw ay katangian ng southwest monsoon o habagat.
“‘Wag kayo mabibigla kung may pag ulan sa madaling araw pero pagdating ng alas 9 mainit na. Ito ‘yung isolated thunderstorms, ibig sabihin yung system na nagpapaulan ay hindi malaki,” ani ni Badrina.
Sinabi ni Badrina na sa kabila ng isolated rainshowers, ang Metro Manila ay inaasahang makakaranas pa rin ng 26-degree hanggang 31-degree Celsius na panahon lalo na sa hapon.
Ayon sa PAGASA, wala itong binabantayan na anumang low pressure area sa loob o labas ng Philippine area of responsibility.