Ibinasura ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P1.00 na ‘rush hour rate’ na inihain ng grupong Pasang Masda para sa rush hours, mula alas-5 hanggang alas-8 ng umaga, at alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.
Sa kabila nito, sinabi ni LTFRB chief Teofilo Guadiz III, na mas binibigyan nila ng timbang ang pag-aaral sa hiling na P2 dagdag-pasahe ng apat na malalaking transport groups.
Sa isang ulat, umapela sa LTFRB ang Liga ng Transportasyon at mga Operators sa Pilipinas (LTOP), Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), STOP and Go and Federation of Jeepney Operators and Drivers Associations of the Philippines (FEJODAP) na dagdagan ng P2 ang pasahe sa unang apat na kilometro mula sa kasalukuyang minimum fare na P12. I
Ito ay bunsod ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Plano naman ni Pasang Masda national president Roberto “Ka Obet” Martin na baguhin ang petisyon na sa halip na surcharge rate ay P1.00 dagdag pasahe na lamang hilingin na aprubahan ng LTFRB.
Ayon kay Guadiz nirerespeto ng ahensya ang karapatan ng mga jeepney drivers at operators na maghain ng petisyon para sa dagdag pashahe pero marami umanong mga isyu na kailangang maingat na bina-validate at pinag-aaralan ng LTFRB board bago nila desisyunan ang fare hike petition.