Personal na inendorso ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang MATATAG program ng Department of Education (DepEd) sa kabila ng kaliwa’t kanang pagbatikos mula sa iba’t ibang sektor.
“This is very significant because…ang sinusubukan nating gawin ay ayusin ang curriculum para maging mas bagay sa pangangailangan ng mga batang Pilipino,” pahayag ng Pangulo sa paglulunsad ng 2023 Brigada Eskwela sa Maynila.
Sa panig ni DepEd Secretary Sara Duterte, sinabi niya na ang MATATAG Curriculum ang magiging pamana ng administrasyong Marcos sa mga kabataan dahil gagawin nitong mas simple ang sistema ng edukasyon sa bansa kumpara sa umiiral na K-10 educational program upang maging globally competitive ang mga Pinoy graduates sa mga susunod na taon.
Kabilang sa mga pagtotono ng educational system na sumasailalim sa MATATAG Curriculum ay ang pagbabawas sa bilang ng learning competencies mula sa kasalukuyang 11,000 patungong 3,000 na lamang.
At ang dating pitong subjects para sa Grade 1 hanggang Grade 3 students, ibababa ito sa limang subjects na tututok sa Math and Reading bago papasok ang Science sa pagtungtong nila sa Grade 4.
“Kasama na rin diyan, the MATATAG Program includes all our efforts na para pagandahin ang mga international score natin, especially when it comes to STEM (Science, Technology, Engineering, Mathematics) tinatawag na STEM subjects. At also, binibigyan natin ng pagkakataon ‘yung mga after 10th grade na mamili kung sila ay mag-vocational, magte-technical training o itutuloy nila. So that’s, more or less, the big system changes that we are doing,” ani Duterte.
Magiging priyoridad din sa MATATAG Curriculum ang values and character development ng estudyante na tutuloy sa Good Manners and Right Conduct (GMRC). Pasok din sa programa ang Values Education Act at pagsusulong 21st Century Skills.