Hindi maipinta ang mukha ni dating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) deputy administrator Mocha Uson nang dumating sa Ljubljana Airport sa Slovenia nitong Biyernes, Hunyo 30.
Ayon kay Mocha, halos mamuti na ang kanyang mga mata sa kahihintay sa kanyang luggage sa conveyor pero naubos na raw ang mga maleta roon ay hindi na lumitaw ang sarili niyang bagahe.
“Hindi lang ang mga damit ko ang laman nun kundi lahat ng riding gear ko,” sinabi ni Uson nang makapanayam ng Pilipinas Today.
Ang presidential appointee-turned-moto vlogger ay kabilang sa mga Pinoy big bikers na sasabak sa week-long adventure ride sa iba’t ibang lugar sa Europe, kung saan ang event highlight ay ang 2023 BMW Motorrad Days na gaganapin sa Berlin, Germany sa Hulyo 7-9.
Dahil sa nangyari, tanging isang maliit na maleta at handbag ang bitbit ni Mocha nang salubungin siya ng tour guides mula sa Clutch Moto Tours, na pag-aari ng Slovenian na si Rozle Verhovc.
Sa kabila ng aberya, tiniyak ng dating dancer-actress na wala siyang sama ng loob sa airline company.
“Ganyan talaga, minsan may nangyayaring ganyan na hindi natin kayang kontrolin,” sabi pa ni Mocha sa Pilipinas Today.
Samantala, nagtulung-tulong naman ang iba pang Pinoy riders para makumpleto ang riding gear ni Mocha matuloy lang ang kanyang epic Europe ride.
Sa huling update nitong Linggo, Hulyo 2, kinumpirma ng airline company na natagpuan na nito ang nawawalang luggage ni Mocha nitong Sabado, Hulyo 1.
Ihahatid daw ang nasabing bagahe sa hotel na tinutuluyan ni Mocha sa Cortina d’Ampezzo sa Italy.
(Report ni Aris Ilagan, Editor-in-Chief, mula sa Cortina d’Ampezzo, Italy)