Dahil sa kaliwa’t kanang pag-usbong ng mga reclamation projects sa Manila Bay at karatig lugar, tuluyan nang binansagan ito ni Sen. JV Ejercito bilang “gold mine” umano ng mga lokal na pamahalaan ang mga bilyon pisong halaga na proyekto na matatagpuan sa kanilang hurisdiksiyon.
Sa panayam ng DZBB, sinabi ng senador na kataka-taka rin daw ang biglang pagdami ng reclamation projects sa bansa na, ayon sa mga ulat, ay mahigit 50 na.
Iginiit din ng mambabatas na dapat ikonsidera ang Manila Bay bilang isang “patrimonial asset” na dapat ay nasa pangangasiwa ng national government at hindi ng local government units dahil sa angking ganda ng sunset view dito na itinuturing na cultural heritage.
“Tama ba na ang LGUs ang mag-a-award ng mga kontrata para sa reclamation projects? Sa aking pagkakaalam, lahat ng bodies of water, kabilang ang Manila Bay, ay pag-aari ng estado,” pahayag ni Ejercito.
Ipinagtataka rin ni Ejercito kung bakit madalian ang pag-apruba ng mga LGU sa mga reclamation projects nitong mga nakaraang panahon.
“Kaibigan ko ang ilan d’yan sa mga nakaupo ngayon. Pero, pasensiyahan na po kasi kailangan nating ituwid ito,” dagdag niya.
Ayon sa Philippine Reclamation Agency (PRA) mahigit 50 kahalintulad na proyekto ang ipinatutupad ngayon sa iba’t ibang bahagi ng Manila Bay at karatig lalawigan subalit ang unang ipinasuspinde ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Jr. ay lima lamang sa mga ito.