Humirit ng P2.00 taas-pasahe ang ilang grupo ng mga jeepney operators at drivers bunsod ng sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng krudo nitong nakaraang linggo.
Sa sulat na ipinadala ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), Stop & Go Transport Coalition Incorporated, at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) sa tanggapan ni Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III ngayong Biyernes, Agosto 11, P2 dagdag pasahe ang kanilang hinihiling para sa unang apat (4) na kilometrong biyahe.
Bukod sa mataas na gastos sa petrolyo, isa pang dahilan ng pagsusulong ng dagdag-pasahe ng jeepney organizations ay ang labis na pagtaas ng presyo ng piyesa ng sasakyan.
Ayon sa grupo, kailangan ang agarang aksiyon sa petisyon dahil halos wala na silang kita bunsod ng walang habas na pagtaas ng mga produktong petrolyo.
Matatandaan na hiniling din kamakailan ng mga transport groups ang pagpapatupad ng “rush hour” fare rate bunsod ng serye ng fuel price increase at lumalalang trapik sa Metro Manila at iba pang siyudad.
Ang pagpapatupad ng “rush hour” rate ay kasalukuyang pa ring pinag-aaralan ng LTFRB at Department of Transportation (DOTr) upang maging patas sa lahat ng stakeholders.