Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Romeo Brawner Jr. magbubuo na ang AFP reserve force ng militia patrol sa West Philippine Sea (WPS) para palakasin ang presensiya ng gobyerno laban sa panghihimasok ng Chinese forces sa lugar.
Plano ni Brawner na mangalap ng volunteers mula sa hanay ng mga mangingisda na bubuo sa militia force na magpapatrolya sa Ayungin Shoal at iba pang kritikal na lugar na inaangkin ng China bagamat pasok sa 200-mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
“Gusto rin natin na ang fisherfolk natin, gawin ding reservists at tuturuan natin sila paano sila makakatulong sa pagdepensa sa ating bansa,” ani Brawner
Sinabi ni Brawner na nakapaloob na sa kanilang plano ang pagbuo ng militia fleet sa WPS.
“It is part of our plans, parte ng reserve force development natin. It’s not just land-based reserve forces. We are also trying to develop our reservists who will be able to operate in the sea,” giit ng AFP Chief.
Sinegundahan naman ni AFP Western Command (Wescom) chief Vice Admiral Alberto Carlos ang nasabing reserve force development program kung saan magiging malaki ang papel ng mga mangingisda.
Ayon pa sa opisyal, ito ang magbibigay daan upang malayang makakapalaot ang mga mangingisda sa kabila ng pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa karagatan na sakop ng Pilipinas.
Aminado si Brawner na bagaman buo na ang mga reserve units, nag-aabang parin sila sa pondo para sa mga karagdagang barko at sasakyan na kanilang gagamitin.
Kamakailan, binomba ng water canon ng Chinese Coast Guard ang Philippines-chartered vessel na nag dadala ng supply para sa mga tropa sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Umaasa si Brawner na makapagde-deploy pa ng bangka at eroplano na tutulong sa pagbabantay sa teritoryo ng bansa.