Malaki ang maitutulong para mapababa ang presyo ng mga produktong petrolyo kung aalisin ng gobyerno ang value-added tax (VAT) at excise tax sa mga ito, ayon sa IBON Foundation.
Inilabas ng IBON ang naturang rekomendasyon matapos ang apat na linggong sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Gamit ang datos ng Department of Energy (DOE), sinabi ng IBON na kung aalisin ang buwis sa gasolina, diesel at kerosene, mababawasan ng 37.5 porsiyento, 28.1 porsiyento at 18.7 porsiyento ang presyo ng nabanggit na mga produkto.
Ayon pa sa grupo, malaki ang kinalaman ng walang habas na pagtaas sa presyo ng langis sa pagsipa rin ng presyo ng batayang bilihin, partikular na ang bigas at mga gulay.
Bukod sa pagbasura sa buwis sa produktong petrolyo, sinabi rin ng IBON na makatutulong din ang pagpapalawak ng social protection gaya ng fuel subsidies, at cash at wage subsidies para maibsan ang matinding epekto ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga mamamayan.