Naalarma si House Deputy Majority Floorleader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin C. Tulfo hinggil sa Manila Bay reclamation projects na kaniyang konokonsiderang banta sa seguridad ng bansa dahil sa dami ng Chinese workers sa proyekto.
Sa naging panayam sa kongresista ng programang Head Start ng ANC, sinabi nitong may posibilidad na ang mga Chinese workers na nakaempleyo para sa reclamation projects ay maaaring ginagamit sa “espionage” ng Chinese Communist Party (CCP) para tiktikan ang Pilipinas.
“How sure are we that they are just regular crew members having a good time? What if they are the members of the People’s Liberation Army or members of the Chinese intelligence community gathering information? Therefore, our national security is being threatened or baka compromised na nga,” aniya.
Nauna nang naghain ng resolusyon ang kongresista para suriin ng Kamara ang epekto sa seguridad, kabuhayan, at kalikasan ng bansa ang nagaganap na reclamation sa Manila Bay.
Nabanggit ni Tulfo sa kaniyang inihaing resolusyon ang impormasyong mula sa Estados Unidos kung saan nagbabala ito hinggil sa kumpanyang China Communications Construction Co., na sinasabing sangkot sa maanomalyang transaksiyon base sa ulat ng World Bank at Asian Development Bank.
Gayunman, nilinaw ng mambabatas na hindi naman niya tuwirang tinutukoy ang China Communications Construction Co. sa paglalatag niya ng isyu ng seguridad kaugnay ng proyekto, kundi ang impormasyong kanilang natanggap hinggil sa apat hanggang limang kumpanyang nasa likod ng proyekto ay Chinese at karamihan ng mga manggagawa nito ay galing mismo sa mainland China.
Aniya, may isang Chinese company na sangkot ngayon sa reclamation project at siya ring nasa likod ng pagkukumpuni ng naval base at iba pang istruktura sa West Philippine Sea.