Sinabi ni Cynthia Villar na inamin umano ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na natatakot siya sa mga maimpluwensiyang personalidad na nasa likod ng multi-bilyon reclamation projects sa Manila Bay.
“I talked to Secretary Loyzaga about this. Medyo takot siya kasi ang mga magre-reclaim mga influential sa Pilipinas,” pahayag ni Villar sa pagdinig ng Senate Public Works Committee hinggil sa malawakang pagbaha na naranasan sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Todo tinanggi naman ni Loyzaga. “I don’t know many you, but you can ask people who do know me, I am not easily scared,” ani kalihim sa press conference sa Malacanang.
Sa kabila nito, nagpasalamat pa rin si Loyzaga kay Villar dahil sa pagaalala sa kanya, sabay bitaw: “But we’re here to do our job.”
Ang Manila Bay reclamation project, na isinusulong ni “plastic king” William Gatchalian, ang isa sa itinuturong ugat ng malawakang pagbaha sa mga lugar ng Bulacan at Pampanga.
Dahil iniuugnay ang dambuhalang proyekto sa mga pagbaha, ipinagutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suspindehin ang operasyon sa pagkukumpuni ng reclamation projects sa Manila Bay at ibang lugar.
Ikinababahala rin Villar ang pagiging tahimik umano ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan hinggil sa pagtukoy sa Manila Bay reclamation project bilang puno’t dulo ng malawakang pagbaha sa Central Luzon.
Sinabi rin ng senador na dati na niyang tinanong si Bonoan kung makatutulong ang kanilang cleanup operations sa Zapote River Drive sa Las Pinas kung sakaling mababara ang daluyan ng tubig sa lugar ng Manila Bay reclamation project.
Sa halip na tugunan ni Bonoan ang katanungan ni Villar, biglang sumingit si Sen. Ramon Revilla Jr. sa talakayan sabay nang pagsabi: “Mayroong magandang epekto ang mga reclamation project at mayroon din itong masamang dulot.”