Malayo pa man ang mid-term elections, lumutang na ang mga pangalan nina ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, incumbent Senator Christopher “Bong” Go at dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa napipisil na maging senador sa 2025, batay sa pinakahuling OCTA Research Senatorial Survey.
Isinagawa ang tinawag ng “Tugon ng Masa” survey noong Hulyo 22-26, 2023, kung saan makikitang 73 porsiyento ng mga respondent ang gusto nilang maging senador si Tulfo; 55 porsiyento ay si Go; at 49 porsiyento naman si Sotto.
Nasa pang-apat hanggang pang-anim na puwesto sa talaan ng napupusuang senatoriables sina Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, 44 porsiyento; Sen. Maria Josefa Imelda “Imee” Marcos, 43 porsiyento; at dating senator at “Pambansang Kamao” Emmanuel “Manny” Pacquiao, 38 porsiyento.
Samantala, nasa “Magic 12” sina Sen. Pilar Juliana “Pia” Cayetano na nakakuha ng 37 porsiyento; Sen. Ramon Bong Revilla Jr., 36 porsiyento; dating Manila mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, 35 porsiyento; Sen. Manuel “Lito” Lapid, 33 porsiyento; dating senator at Philippine National Police (PNP) chief Panfilo “Ping” Lacson, 26 porsiyento; at Sen. Francis Tolentino, 23 porsiyento.
Nakibahagi sa naturang survey ang 1,200 respondent mula National Capital Region, Balance Luzon, Visayas at Mindanao. May margin of error na ±3 percent ang naturang survey para sa buong bansa.
Samantalang nasa ±6 percent margin of error ang sa NCR, Visayas at Mindanao, at ±8 percent kapwa sa Central at Southern Luzon.