Bunsod ng panibagong insidente ng pambu-bully ng Chinese Coast Guard sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal, muling binuhay sa Senado ang usapin sa posibleng pagbabalik ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) para sa mga estudyante sa kolehiyo.
Naghayag ng kanya-kanyang argumento hindi lamang ang mga proponent at ngunit maging ang mga komokontra sa proposed Senate Bill No. 2034 na may layuning ibalik ang ROTC program bilang kapalit ng umiiral na National Service Training Program (NSTP).
Ito’y upang isailalim ang mga kabataan sa mandatory military training at maipagtanggol ang bansa laban sa mga foreign aggressors.
Si Sen. Ronald “Bato” de la Rosa ang may akda ng SB No. 2034 na kinokontra naman ni Sen. Francis “Chiz” Escudero.
“We were taught to march, we were taught to stand, we were taught to carry a gun, I didn’t feel like I was equipped enough to defend my country,” pahayag ni Escudero sa pagdinig sa Senado nitong Miyerkules, Agosto 9.
Sinabi ni Sen. Chiz na siya mismo ay sumabak sa ROTC training noong siya ay nasa kolehiyo pa subalit ang pinagawa lang sa kanila ay magpaputok ng anim na bala ng M-16 rifle at natapos na ang training kaya itinuturing niya na palpak ang naturang programa.
“Can the gentleman furnish me a copy of a study, not merely the position of chair (Sen. Dela Rosa), but a study that says NSTP actually failed,” dagdag niya.
Samantala, pinalagan ni De la Rosa ang mga pahiwatig nang ilang senador na tinukoy umano niya na walang pagmamahal sa bansa ang mga sumasalungat sa ROTC program dahil wala umano sa bokabularyo nila ang mga salitang “national security.”
“As a former soldier, I have advocated and continue to push for legislative measures that will protect our country’s sovereignty against both internal and external security threats. While we aim to modernize and strengthen our Armed Forces through procurement of defense equipment and material, improvements should not only be limited to the development of defense capabilities,” giit ni De la Rosa.