Pinuri ng ilang senador ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na suspendihin ang halos lahat ng reclamation projects sa Manila Bay.
Kamakalawa, ipinagutos ng Pangulo na suspendihin ang mga reclamation activities maliban sa isa na dumaan na sa pag-aaral at ebalwasyon kaugnay ng magiging epekto ng mga ito sa kalikasan, kabuhayan ng mga residente, at seguridad ng bansa.
Sa pahayag ni Sen. Cynthia Villar, chairperson ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change na isa sa mga kritiko ng proyekto, masaya siya sa naging desisyon ng punong ehekutibo lalo na’t pinangangambahang magiging sanhi ng pagbaha ang ginagawang pagtatabon ng lupa sa Manila Bay.
Una nang nagsalita si Villar sa magiging epekto ng Manila Bay reclamation projects sa Las Piñas, ang siyudad ng senadora.
Nagbanta rin ang senadora na ilalapit niya sa Korte Suprema ang proyekto kung hindi babaguhin ng mga proponent ang plano nito.
Sinabi rin ni Villar na pirma lang nang pirma ang mga opisyal ng DENR at Philippine Reclamation Authority (PRA) sa mga clearance para sa proyekto bagamat bulag sila sa magiging epekto nito sa kapaligiran.
Bukod dito, nanawagan din si Villar na magkaroon ng senate inquiry hinggil sa proyekto dahil may mandamus na inilabas ang Korte Suprema noong 2008 na nag-uutos sa lahat ng ahensiya ng gobyerno at local government units na linisin at ibalik ang dating ganda ng Manila Bay.
Samantala, nanawagan naman si Sen. Risa Hontiveros na ibasura ang lahat ng “Chinese-funded” na reclamation projects, hindi lamang sa Manila Bay kundi maging sa buong Pilipinas.
Ayon kay Hontiveros, dalawa sa anim na malalaking reclamation projects sa bansa ay isasagawa ng China Harbor Engineering Co. Ltd., na subsidaryo ng Communications Construction Co. (CCCC) na pag-aari ng Chinese government.