Bumagal ang ekonomiya ng bansa sa second quarter ng 2023, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa naitalang gross domestic product (GDP) growth ng bansa, dumausdos ang ekonomiya mula sa 6.4 porsiyento sa unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon patungong 4.3 porsiyento.
Mahigit 3 porsiyento namang mas mababa ang rekord na ito kumpara sa parehong panahon noong taong 2022.
Ginagamit ang GDP o ang kabuuang dami ng produkto at serbisyong nalikha ng isang bansa sa isang partikular na panahon, bilang panukat sa inilago ng pambansang ekonomiya.
Target ng gobyerno ang 6 porsiyento hanggang 7 porsiyentong pagtaas sa kabuhayan ng bansa, subalit makakamit lamang ito kung tataas ang GDP ng 6.6 porsiyento sa huling anin na buwan ng 2023, ani National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan.