Nahalal bilang bagong deputy majority floor leader ng Kamara si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo kahapon, Agosto 9.
Ayon sa mga ulat, mahalaga ang gagampanang papel sa plenaryo ni Tulfo bilang ikalawang lider ng mayorya ng Kamara. Kasama na si Tulfo sa 18 deputy majority floor leader ng Kamara.
Kasama sa pribilehiyo ni Tulfo bilang bagong halal na deputy majority floor leader ay makaboto sa lahat ng komite sa Kamara.
Naunang nagsilbing kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) si Tulfo mula Hunyo 30 hanggang Disyembre 27, 2022, matapos na italaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Subalit hindi nagtagal si Tulfo sa DSWD matapos hindi kumpirmahin ng Commission on Appointments ang pagkakatalaga sa kanya sa posisyon.
Nanumpa bilang kongresista si Tulfo noong Mayo 30, 2023, bilang kinatawan ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) party-list, matapos na magbitiw ang ikatlong nomidado nitong si Jeffrey Soriano, at matapos na ibasura ng Commission on Elections (Comelec), with finality, ang petisyon na humaharang sa kaniya na maging miyembro ng Kongreso.
Si Tulfo ang ikaapat na nominado ng ACT-CIS partylist.
Samantala, tatlong resolusyon na ang naihahain ni Tulfo sa Kamara. Una ang imbestigasyon sa nawawalang preso sa New Bilibid Prison; may kinalaman sa estado ng New Solo Parents Act; at imbestigasyon sa reclamation projects sa Manila Bay.