Aabot sa 632,000 kabahayan sa Metro Manila ang makakaranas ng mahina hanggang sa tuluyang pagkawala ng tubig kaugnay ng pagpapatupad ng limitadong supply simula sa Hulyo.
Ito ay makaraang aprubahan ng National Water Resources Board (NWRB) ang mas kakaunting alokasyon na 50 cubic meters per second (cms) sa susunod na buwan mula sa kasalukuyang 52 cms dahil sa patuloy na pagbaba ng tubig sa Angat Dam.
Kalagitnaan ng Hunyo sana sisimulan ang pagbabawas sa supply ng tubig kaugnay ng nakaambang El Niño, pero ipinagpaliban ito, sa hiling na rin ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Umaasa naman ang MWSS na mapapadalas na ang pag-uulan sa mga susunod na araw at makakatulong itong madagdagan ang tubig sa Angat Dam, base na rin sa taya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na dadalawin ang bansa ng hanggang apat na bagyo sa Hulyo.
“By July and August, ‘yan po ‘yung times, based sa historical record, na malakas ‘yung ulan sa watershed natin,” ani MWSS Division Manager Patrick Dizon.
Samantala, inaprubahan din ng NRWB ang pagbabawas sa 28.5 cms para sa mga irigasyon sa Bulacan at Pampanga, mas mababa sa 40 cms ngayong Hunyo, dahil mas kakaunti naman daw ang demand sa tubig ng mga magsasaka tuwing Hulyo.