Nanawagan ang Land Transporation Franchise and Regulatory Board (LTFRB) sa mga mambabatas na ipasa na ang panukalang batas upang maging legal ang mga motorcycles-for-hire sa bansa matapos ang pagsasagawa ng pilot-study para sa naturang transport mode.
Ito ang naging pahayag ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III ang hinggil sa proposed legalization of ap-p-hailing motorcycle taxis base sa resulta ng pilot study sa pagdinig sa Kamara ngayong araw, Agosto 9.
Ayon kay Gaudiz, mahigpit ang ginawang monitoring ng technical working group (TWG) na binuo ng Department of Transportation (DOTr) sa pilot run ng tatlong app-hailing motorcycle companies – Angkas, JoyRide at MoveIt – na tumagal nang halos apat na taon.
Base sa accident record na nakuha sa pilot run, iginiit ni Gadiz na halos 99 porsiyento ng mga rider na nakibahagi sa programa ay naging ligtas ang kanilang biyahe.
Lumitaw sa record na pansamantalang itinigil ang pilot study sa kalagitnaan ng pagpapatupad nito dahil sa COVID-19 pandemic. Bukod sa magandang safety record, ikinatuwa rin ni Guadiz ng pagkakaroon ng accident insurance hindi lamang para sa mga rider ngunit maging sa kanilang pasahero.
Tiniyak din ng LTFRB official na lahat ng rider ng mga accredited motorcycle taxis ay sumailalim sa masusing riding skills training.
May ilang mambabatas naman ang kumuwestiyon sa pagpapatuloy ng operasyon ng motorcycle taxis gayong natapos na ang pagaaral ng DOTr.
Ayon kay Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop, dapat na magsumite ng report ang LTFRB tungkol sa naging resulta ng pilot run ng tatlong kumpanya at magbigay na rin ang TWG ng kanilang rekomendasyon ukol dito.
“If your pilot study is already terminated, bakit hindi kayo magsubmit ng report dito na yung pilot study ay tapos na? Bakit manggagaling sa amin? Make a report to the House that your study was already terminated and you are coming to a recommendation,” ani Acop.
Nangako naman ang LTFRB na isusumite ang resulta ng pilot study sa loob ng 45 araw.