Pinasususpinde ni President Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga ongoing reclamation projects sa Manila Bay na itinuturong ugat ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Central Luzon.
Sa report ng DZBB, mismong ang Pangulo ang naglabas ng direktiba matapos lumapit sa kanya ang mga lokal ng pamahalaan sa Region 3 para sa pagpapatupad ng epektibong “engineering intervention” at tuluyan nang maresolba ang perennial flooding, partikular sa mga lugar sa Pampanga at Bulacan.
Sinabi rin sa report na saklaw ang suspension order ang lahat ng reclamation projects maliban sa isa, na aniya, ay sumailalim na sa government compliance evaluation and assessment. Hindi naman tinukoy ng Punong Ehekutibo kung alin sa limang proyekto ang hindi na kailangang suspendihin at alin ang itutuloy.
Marami umanong nasilip na problema ang Malacanang sa mga ongoing reclamation projects, kabilang umano ang hindi maayos na pamamahala ng mga contractors.
Nagpahayag ng pangamba ang Pangulo na kung itutuloy pa rin ang pagkukumpuni ng mga ito tuluyan nang mababarahan ang mga pangunahing daluyan ng tubig sa mga kritikal na lugar na pinagmumulan ng pagbaha.
Una nang binatikos ng United States Embassy ang pagkukumpuni ng 318-hectare reclamation project ng Waterfront Manila Premier Development, Inc. base sa mga isyu ng kalikasan, seguridad sa bansa at posibleng katiwalian na kinasasangkutan umano ng China Communications Construction Co., ang pangunahing kontratista sa proyekto.
Ikinabahala rin ng Pangulo na kung itutuloy ang reclamation project sa Manila Bay ay mawawala na rin ang magandang “sunset view” sa Roxas Blvd. na dinarayo ng mga turista.
Bago pa naglabas ng suspension order si Pangulong Marcos, inuulan na rin ng batikos mula sa hanay ng mga senators at congressman ang proyekto kung saan ang prime mover nito ay ang tinaguriang “Plastic King” na si William Gatchalian.