Tumaas sa 4.5 porsiyento ang antas ng unmployment rate o mga walang trabaho noong Hunyo, kumpara noong Mayo, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ibig sabihin, umakyat sa 2.33 milyong Pinoy ang walang trabaho kumpara noong Mayo na nasa 2.17 milyon lamang.
Samantala, sumipa din ang underemployement rate sa bansa noong Hunyo, mula sa dating 11.7 porsiyento noong Mayo patungong 12 porsiyento sa nabanggit na buwan. Ito’y nangangahulugan na nasa 5.87 milyong manggagawang Pilipino ang kailangang maghanap pa ng karagdagang trabaho para mapunan ang kakulangan ng oras sa paggawa noong Hunyo kumpara sa 5.66 milyon noong Mayo.
Sa termino ng “paggawa,” kailangang makabuo ang isang empleyado ng walong oras sa isang araw, o may katumbas na 40 oras sa buong isang linggo, para makakuha ng sapat na sahod. Kapag “underemployed” ang isang manggagawa, kinakailangan pa niyang kumuha ng iba pang mapagkakakitaan o trabaho para mabuo ang kailangang oras sa paggawa, ayon pa sa PSA.