Nanawagan si ACT-CIS partylist Congressman Erwin Tulfo na imbestigahan ang Manila Bay reclamation project dahil sa posibleng masamang epekto nito sa kalikasan at seguridad ng bansa.
Kasama ni Tulfo sina ACT-CIS partylist Representatives Jocelyn Tulfo, at Edvic Yap sa paghahain ng House Resolution No. 1171 sa pagsusulong ng imbestigasyon sa Kamara upang madetermina kung naaayon sa mga batas sa kalikasan ang malaking proyekto gayun din ang posibleng epekto nito sa ekonomiya at seguridad ng bansa.
“The preservation and security of our nation are of paramount importance, and any activity that may impact our national security requires scrutiny,” sinabi ng ACT-CIS sa resolusyon.
“Although the ongoing land reclamation may offer potential economic benefits and development opportunities, it also raises concerns about its environmental impact, such as the alteration of coastal processes, and the possible effects on water quality and marine biodiversity,” dagdag pa ng grupo.
Nabanggit din ni Tulfo nababahala rin ang Estados Unidos sa umano’y pagkakasangkot ng China Communications Construction Co., na nasa likod ng pagkukumpuni ng reclamation project. Tinukoy na rin ng World Bank at Asian Development Bank (ADB) ang naturang kumpanya na sangkot umano sa mga maanomalyang transaksiyon kaya ito ay blacklisted na ng US government.
Samantala, iginiit ni Sen. Sherwin Gatchalian na dumaan sa maayos at legal na proseso ang 318-ektaryang reclamation project ng Waterfront Manila Premier Development Inc. na isinusulong ng kaniyang ama na si William Tiu Gatchalian.