Iminungkahi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat hindi tangkilin ng mga Pilipino ang mga produktong gawa sa China bunsod ng walang-tigil na panggigipit ng mga puwersa nito hindi lang sa Philippine Coast Guard ngunit maging sa mga lokal na mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).

Sa panayam sa radyo, iginiit ni Zubiri na dapat maghanap na ng ibang trading partners ang Pilipinas at kalimutan na lang ang China dahil wala umanong isang-salita ang gobyerno nito sa usapin ng agawan ng territoryo sa WPS.

“Maghanap din po tayo ng ibang trading partners kung saan mapalago natin at mapaganda natin ang ekonomiya ng ating bansa na hindi po tayo dependent sa China, hindi po tayo nakasandal sa China para sa ating mga produkto,” anang mambabatas.

Ito ay matapos ihain sa Senado ang Senate Resolution No. 718 na kumukondena sa umano’y patuloy na panghihimasok ng mga barko ng China at itinataboy ang mga mangingisda sa karagatan na sakop ng 200-mile exclusive economic zone ng bansa.

Ani Zubiri, apektado na rin ang food security ng mga Pilipino dahil hindi na pumapalaot ang mga mangingisda na natatakot ma-harass ng Chinese Coast Guard.

“Para sa ganun i-boycott na lang natin yung mga Chinese-made products, i-boycott na lang natin yung Chinese companies na pumapasok dito para ipakita natin ang galit natin sa kanila sa ganoong paraan.

Una nang naghayag ng kahalintulad na sentiymiyento si Albay Congressman Joey Salceda na sinundan nitong Lunes ni Senator Riza Hontiveros dahil sa kanilang pagkadismaya sa inaasta ng Chinese government na may kaugnayan sa umiinit na territorial dispute sa WPS.