Isinagawa ngayong Sabado, Nobyembre 28, ang special election para sa paghahalal ng magiging bagong kinatawan ng lone legislative district ng Batanes sa House of Representatives.
Naunang pinayagang bumoto mula alas-5 hanggang alas-7 ng umaga ang mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at mga buntis.
Samantala, binuksan naman ang mga polling precincts para sa lahat ng iba pang mga botante mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botante na manual election ang isinasagawang halalan sa lalawigan.
Dahil dito, kailangang isulat sa balota ang pangalan ng kandidatong nais nilang iboto, bago ito tupiin at ihulog sa ballot box na nakalagay malapit sa Electoral Board.
