“May matinding kumakalat, umuugong na – ito baka raw makakuha ng piyansa ‘yung isang suspect natin na nakakulong ngayon. Malaki siya,” pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Sa kanilang programang ‘Executive Session’ sa DZRH ngayong Sabado, Nobyembre 28, ibinuking ni Remulla na may isang prominenteng personalidad na isinangkot sa multi-bilyong pisong flood control scandal na nagpapakalat ng impormasyon na papayagan na ito ng korte na makapagpiyansa para pansamantalang makalaya.

“Pinakakalat nila ‘yan – propaganda. Para gusto nilang palabasin huwag kayong magugulat kung makakakuha kami ng piyansa,” kuwento ni Remulla.

Aniya, ito ay matapos lumantad si Felicito Cristobal Guevarra, isang money changer owner, na kabilang sa mga kinasuhan ng plunder subalit nagsauli ng P343 milyon na kanyang nakomisyon mula sa katas ng flood control anomaly kaya siya napagkalooban ng “conditional immunity” ng gobyerno.

Ayon pa kay Remulla, ang malaking halaga na isinauli ni Guevarra sa kaban ng bayan ay halos isang porsiyento ng kabuuang halaga na nakomisyon ng mga pangunahing sangkot sa naturang anomalya na aabot sa P37 bilyon.

“Tumetestigo na ‘yan ngayon. Hindi kailangang idaan sa propaganda ‘yan,” babala ni Remulla.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *