Naglabas ng warrant of arrest ang isang korte sa Lanao del Sur laban kay Atty. Levito Baligod at 18 testigo nito kaugnay ng kasong cyberlibel na isinampa laban sa kanila ni 1st District Rep. Zia Alonto Adiong.
Itinakda naman sa ₱30,000 ang piyansa para sa bawat akusado, batay sa arrest warrant na inilabas ni Presiding Judge Samina Sampaco Macabando-Usman ng Regional Trial Court (RTC) Branch 8 sa Marawi City.
Matatandaang sinabi ni Adiong noong Hunyo na nagsampa siya ng kasong cyberlibel laban kay Baligod at sa 18 testigo, na nagpakilalang dating mga bodyguard ni former congressman Zaldy Co.
Naunang iginiit ng 18 testigo na naghatid umano sila ng mga maleta na naglalaman ng pera kay Adiong sa utos ni Co, na mariin namang itinanggi ng Mindanaoan lawmaker.
Matatandaang inihayag din ni Adiong na hihingi siya ng kabuuang ₱25 milyon bilang danyos dahil sa mga umano’y maling paratang na ibinato sa kanya ng grupo ni Baligod.
