Pinuna ng private prosecutor at House prosecution legal spokesperson na si Atty. Benjamin Tolosa Jr. ang pagtutuon ng atensiyon ng depensa sa mga side issues sa halip na diretsahang sagutin ang nag-iisang article of impeachment sa pagkakaroon umano ng unexplained wealth ni Vice President Sara Duterte.
“Ang main issue naman kasi dito, regardless of source, either it’s legitimate or not… ang tanong dito, naideklara ba ‘yan sa SALN? Kahit lehitimo ang source, kung hindi nakadeklara sa SALN, that’s a violation of the constitutional mandate imposed on all government employees and officials,” giit ni Tolosa.
Sa press briefing ngayong Sabado, Nobyembre 28, sinabi ni Tolosa na hindi lamang ang prosekusyon ang nakapansin nito, kundi maging ang mga senator-judges, gaya ng pagtalakay sa rehistro at operasyon ng Cale88 Foods Corporation, na dating co-owned ni Atty. Mans Carpio, asawa ni VP Sara.
“Discretion naman nila ito, but as noted by the senator-judges, bakit we’re spending so much time on these issues na hindi pa parang nasasagot nang diretsahan ‘yung main issue na pinag-uusapan na unexplained wealth na P870 million, na summarized sa Cabrera report,” ani Tolosa, tinukoy ang forensic financial analyst na si Atty. Alexander Cabrera.
