Sinabi ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na kabilang sina former senator Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV at Ramil Madriaga sa 25 testigong haharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, bagamat nilinaw niyang may “discussions” pa para aktuwal na mapadalo sa paglilitis si Madriaga.
Matatandaang sa pagdinig na isinagawa sa Kamara ni Luistro, bilang chairman ng justice committee, ay naging resource persons sina former senator Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV at Ramil Madriaga.
Si Trillanes, tinalakay ang tungkol sa umano’y secret bank accounts ng pamilya ni Vice President Sara Duterte at ang pagtanggap umano ng milyun-milyong pera sa inilarawan niyang drug lord na si Sammy Uy.
Ang ilang bank transactions ni VP Sara mula umano kay Uy ay on-the-spot na bineripika ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) mula sa listahan ng mga transaksiyong na-monitor at na-flag ng ahensiya.
Si Madriaga, na nagpakilalang dating aide ni VP Sara, naglahad naman ng kanyang nalalaman kung paano umano ginastos ang bahagi ng daan-daang milyong confidential funds ng Bise Presidente dahil siya raw mismo ang nag-deliver ng ilan sa mga perang nasa duffle bags.
