Pormal nang lumagda sa isang kasunduan ang Commission on Elections (COMELEC) at may-ari ng ilang shopping malls sa bansa kaugnay ng nalalapit na Barangay at SK Elections sa Oktubre 30, 2023.
Sa nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) ngayong umaga, Agosto 7, nina COMELEC Chairman George Erwin Garcia at Steven Tan, presidente ng SM Supermalls, kasama ang iba pang opisyales ng ahensiya at kinatawan ng 14 na mall sa Metro Manila kung saan magtatatag ng mga polling precincts sa darating na halalan.
Ayon kay Garcia, ang pagboto sa mga mall ay isa lang sa mga options para sa mga botante upang mas mapadali at maging mas kumbinyente ang pagboto, lalo na ng mga senior citizen, mga nagdadalang tao at persons with disabilities.
Walang ilalabas na pondo ang COMELEC sa gagawing mall voting dahil ang pamunuan ng mga establisimiyento ang siyang gagastos sa lahat gaya ng voting venue, seguridad at kagamitan.
Bukod sa SM Supermalls, makakatuwang din ng Comelec ang Robinsons Malls sa gagawing mall voting.
-Mores Heramis