Aburido na si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona hinggil sa posibleng magiging epekto ng El Niño sa supply ng palay sa Vietnam na pangunahing pinagkukunan ng bigas ng Pilipinas.
Ayon sa BSP, konektado rin ang mataas na inflation rate sa presyo ng bigas sa bansa.
Anang gobernador, bagaman may direktang epekto sa presyuhan ng bigas sa bansa ang pinaiiral na ban sa eksportasyon ng India, mas nakababahala ang posibleng rice shortage sa Vietnam, na pinagkukunan ng Pilipinas para sa buffer stock nito.
“We’re more worried about Vietnam. Vietnam is number one… El Niño is beginning to hit Vietnam. Medyo ‘yun ang mas worrisome,” sabi ng BSP official.
Ayon sa National Statistics Office (NSO), ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa lokal na pamilihan ay posibleng maghudyat ng panibagong pagbilis ng inflation rate sa bansa. Sa kasalukuyan, bumagal ang inflation rate sa Pilipinas, mula sa 5.4 porsiyento noong Hunyo, patungong 4.7 porsiyento noong nakaraang buwan.
Sa kabilang banda, puspusan naman ang ginagawang paghahanda ng gobyerno para maiwasan ang pagsipa ng inflation rate sa bansa, kabilang na ang wastong paggamit ng calamity at quick response fund, paglalatag ng contingency measures laban sa matinding epekto ng El Niño, at maagap na pag-angkat at pagpapabilis ng pagdating ng imported rice sa bansa.
Paliwanag ng gobernador, makatutulong ang mga nabanggit para mabawasan ang paghihigpit sa interest rates na ipinatutupad ng BSP para maibsan ang pagsipa ng inflation rate sa bansa.