Nanawagan si Sen. Christopher “Bong” Go sa China na itigil na ang bullying sa Pilipinas matapos gumamit ang Coast Guard vessel ng huli ng water canon laban sa patrol boat ng Philippine Coast Guard sa Ayungin shoal nitong Linggo, Agosto 6.
“Kinukondena po natin ito… Stop bullying us,” ani ni Go, malapit na kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nagpatatag ng mas malapit na ugnayan sa Beijing.
“Hindi porke’t na maliit tayong bansa ay gaganunin na lang tayo. Respeto po ang kailangan dito,” ayon kay Go.
“Sa loob po ng anim na taon ay sobra-sobra po ang respeto na ibinigay ni dating Pangulong (Rodrigo) Duterte sa inyo.”
Sa panahon ng kanyang pagkapangulo, umiwas si Duterte sa tradisyunal na alyansa ng Pilipinas sa United States matapos punahin noon ni US President Barack Obama ang kanyang anti-illegal drugs campaign dahil sa isyu ng karapatang pantao.
“Naging mabuti naman po ang ating gobyerno noong panahon ni Pangulong Duterte sa inyo,” dagdag ni Go. “Nakikiusap ako, tigilan na ang pangbubully sa ating mga Coast Guard, sa ating mga fishermen.”
“Pakiusap ko lang po sa gobyerno ng Tsina, kakapunta lang po ni dating Pangulong Duterte diyan sa inyo. Stop bullying us,” giit ng mambabatas.