Isang 35-taong gulang na ina ang namatay matapos uminom ng halos dalawang litro ng tubig sa loob lamang ng 20 minuto, ayon sa report.
Ini-report ng ABC News, nagsimulang uminom ng napakaraming tubig si Ashley Miller matapos siyang makaramdaman na labis na pagkauhaw habang nasa bakasyon kasama ang pamilya.
Ikinuwento ng kapatid nitong si Devon Miller ang pangyayari sa programang “Good Morning America” at sinabing nakaramdam si Ashley ng pagkahilo at sakit ng ulo makaraang lumaklak ng tubig. Sa loob ng ilang segundo, nakita niyang biglang nabundat at nawalan ng malay ang kanyang kapatid habang sila’y nasa loob ng garahe.
Ayon sa US Health Department, posibleng dumanas si Ashley ng water intoxication, isang kondisyon na nagaganap matapos ang labis na pag-inom ng tubig sa loob ng maikling panahon.
Nagdudulot ang water intoxication ng electrolyte imbalance, na nagreresulta sa mabilis na pagbaba ng concentration ng sodium na posibleng dahilan ng kanyang pagkamatay.
Ayon sa National Institute for Health (NIH), hindi agad mapapansin ang water intoxication pero magdudulot ito ng kalituhan, anxiety o pagkaaburido, pagka-antok, at pagtatae, maging ang pagbabago sa kaisipan hanggang sa sintomas ng pagkabaliw.
Sinabi ni Dr. Stephanie Widmer, isang medical toxicologist, na ang water intoxication ay maiiwasan sa pamamagitan ng mahinahon na pag-inom ng tubig. Ito dapat ay sa tamang interval kung saan dalawang litro lamang ang iinumin sa kada araw.