“Ang totoo naman po, even without additional evidence to the threat, the video will speak for itself kasi nakita naman na natin doon, mayroong aktwal na pagbabanta laban sa Pangulo. At ang sabi pa nga niya doon ay, ‘no joke,’” ayon kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon.

Kumpiyansa si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na posibleng may sapat nang probable cause ang alegasyon ng pagbabanta ni Vice President Sara Duterte sa buhay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kahit wala pang karagdagang ebidensya.

Sa isang panayam sa DZRH News nitong Linggo, Abril 26, sinabi ni Ridon na ang mismong video ng naging pahayag ni VP Sara ay sapat nang basehan dahil malinaw ang aktwal niyang pagbabanta kung saan binanggit pa ang katagang “no joke.”

Sa parehong araw, lumabas din sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na totoo umanong may nakausap talaga si VP Sara hinggil sa assasination attempt laban kina Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Samantala, nakatakdang talakayin ng House Committee on Justice ang nasabing isyu sa susunod na pagdinig sa darating na Miyerkules, Abril 29, kung saan inaasahang haharap bilang mga resource person si NBI Director Melvin Matibag at iba pang opisyal.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome