“Na-meet na ng House Committee on Justice ‘yung target nila na to prove probable cause, that a crime was committed, that a violation of law was committed,” ayon kay Atty. Lorna Patajo-Kapunan.

Naniniwala ang veteran litigator at law expert na si Atty. Lorna Patajo-Kapunan na sapat na ang mga ebidensyang iniharap sa House Committee on Justice upang makabuo ng probable cause laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Kapunan, natugunan na ng komite ang layuning patunayang may naganap na paglabag sa batas at may posibilidad na may pananagutan ang Bise Presidente.

Hinimok din ng abogado ang publiko na huwag basta magpadala sa mga press release, depensa ng kampo ni VP Sara, o mga troll, at sa halip ay pagtuunan ng pansin ang mga opisyal na rekord, kabilang ang mga ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at mga isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) mismo ni Duterte.

Matatandaang kinumpirma ng AMLC sa nakaraang House impeachment hearing na umabot sa 630 covered transaction reports (CTRs) at 33 suspicious transaction reports (STRs) ang naitala sa mga bank account ni VP Sara at ng kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio mula 2006 hanggang 2025, na may kabuuang halagang ₱6.77 bilyon.

“Hindi ito gawa-gawa ng Committee on Justice. Ito po ay official records ng government agencies, ng Ombudsman para sa SALN, ng AMLC para sa reporting on suspicious and covered transactions, ng SEC ng mga companies ng vice president at ng kanyang asawa na si Atty. Mans Carpio,” giit pa ni Kapunan.

“These are records, they don’t lie. Kung litigation ang pinag-uusapan natin, nandyan na ang hard evidence, documentary from official sources. Hindi pwedeng sabihin na opinyon ‘yan,” dagdag pa niya.