“Noong nag-usap kami (Atty. Mans Carpio), talagang dine-deny niya ‘yung sinasabing P3 billion o P6 billion daw na may laman doon sa accounts niya. Wala siyang ganoong pera,” ani Atty. Peter Paul Danao, abogado ng asawa ni VP Sara Duterte na si Atty. Mans Carpio.
Itinanggi umano ni Atty. Manases ‘Mans’ Carpio na siya at ang kanyang asawang si Vice President Sara Duterte ay may bank transactions na aabot sa lampas P6.7 bilyon, na na-flag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) bilang “covered and suspicious.”
Ito ay sinabi ni Atty. Peter Paul Danao, abogado ni Carpio, nang makapanayam ng DZBB, bilang reaksiyon sa report na inilahad ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura sa pagdinig ng House Committee on Justice nitong Abril 22.
Ayon kay Danao, hindi pa nila natatanggap ang kopya ng nasabing AMLC report.
“‘Yung mismong report ng bangko papunta sa AMLC na sinasabing ganyang transaction, ‘yun ang gusto naming makita—kung totoo bang may report ang bangko sa AMLC tungkol sa mga ganyang alleged transactions,” sabi ni Danao.
Naghain ng mga reklamong paglabag sa Anti-Money Laundering Act, Data Privacy Act, at Bank Secrecy Law sa Quezon City Prosecutor’s Office ngayong Lunes, Abril 27, si Carpio laban kina Buenaventura, Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona, at sa mga miyembro ng House Committee on Justice.
