Isiniwalat ni dating senador Antonio Trillanes IV sa House impeachment hearing ang detalye ng ilang bank transactions ng umano’y pagtanggap ni Vice President Sara Duterte, kasama ang ilang miyembro ng pamilya nito, noong 2011-2013 ng milyun-milyong piso mula kay Sammy Uy, na inilarawan ng dating senador bilang “drug lord.”
Sa kanyang sinumpaang salaysay sa House impeachment hearing ngayong Miyerkules, Abril 22, ipinakita ni Trillanes na umabot sa kabuuang ₱22,322,538 ang halagang natanggap umano ni VP Sara mula kay Uy noong 2011 hanggang 2013.
Batay sa impormasyong isinapubliko ni Trillanes, bukod kay VP Sara, kabilang din sa nakatanggap umano ng pera mula kay Uy si dating pangulong Rodrigo Duterte, ang common-law wife nitong si Honeylet Avanceña, na konektado ang account sa anak na si Kitty Duterte; at sina Davao City 1st District Rep. Paolo ‘Pulong’ Duterte, at Davao City Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte.
Si Uy ay isa sa pinakamalaking campaign donors ni dating Pangulong Duterte noong 2016 national elections, na iniuugnay naman ni Trillanes sa dating economic adviser na si Michael Yang, na nadawit sa mga kontrobersiya kaugnay ng Pharmally at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
“Sa aking paniniwala, ang lahat ng ito ay pasok sa ‘impeachable offenses’ na Betrayal of Public Trust, Graft and Corruption at Other High Crimes na nakasaad sa ating Saligang Batas,” ani Trillanes sa kanyang sinumpaang salaysay.
Wala pang inilalabas na reaksiyon ang kampo ni VP Sara as of posting.
