Sa affidavit ni former senator Sonny Trillanes sa House impeachment hearing, sinabi niyang may kabuuang P181,653,487.36 ang “payout” na natanggap ni dating pangulong Rodrigo Duterte, mga anak na sina VP Sara Duterte, Rep. Paolo Duterte, Mayor Baste Duterte, at partner na si Honeylet Avancena, noong 2011 hanggang 2013 mula sa umano’y drug lord na si Sammy Uy.
Sa affidavit na isinumite ni former senator Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV sa House Committee on Justice, sinabi niya na sina dating pangulong Rodrigo Duterte, Vice President Sara Duterte, Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, Mayor Baste Duterte, at Honeylet Avancena, maging ang anak nitong si Kitty Duterte, ay “tumanggap ng pera o nag-encash ng daan-daang milyong halaga ng mga cashier’s checks at/o mga personal checks mula sa isang kilalang Drug Lord na si Samuel Uy.”
Sa datos na inilahad sa affidavit ni Trillanes, sinabi niyang tumanggap ang dating pangulo ng P775,000 sa BDO account nito noong Nobyembre 14, 2011; P7,440,846.07 sa parehong account noong Oktubre 22, 2012, at P7,440,846.07 sa parehong bank account noong Abril 4, 2013. May kabuuang halaga na P15,656,692.14.
Mayroong P7,440,846.07 na pumasok sa Union Bank account ni VP Sara noong Marso 17, 2011; P7,440,846.07 uli sa BDO account naman noong Oktubre 25, 2011; at P7,440,846.07 uli sa parehong bank account noong Abril 24, 2012. May kabuuang halaga na P22,322,538.21.
Para kay Congressman Pulong, pumasok ang P9,703,609.39 sa kanyang Union Bank account noong Marso 14, 2011; P9,703,609.39 sa isang BDO account noong Oktubre 25, 2011; P9,703,609.39 pa sa parehong BDO account noong Abril 24, 2012; at P9,703,609.39 uli sa Rizal Commercial Banking Corporation account noong Oktubre 22, 2012. May kabuuang halaga na P38,814,437.65.
Kapansin-pansin naman na ang BDO account na pinasukan ng pera para sa dating pangulo, kay VP Sara, at kay Congressman Pulong ay may iisang account number.
Si Mayor Baste, tumanggap ng P10,316,591.18 sa kanyang Union Bank account noong Marso 9, 2011; P10,316,592.68 sa kanyang Security Bank account noong Oktubre 25, 2011; P10,316,592.68 sa parehong Security Bank account noong Abril 23, 2012; P10,316,591.18 sa Security Bank account noong Oktubre 22, 2012; at P10,316,591.18 uli sa parehong account noong Abril 10, 2013. May kabuuang halaga na P51,582,958.90.
Si Avancena, tumanggap ng P10,655,371.81 sa kanyang Union Bank account noong Marso 9, 2011; P10,655,371.81 sa kanyang Security Bank account noong Oktubre 25, 2011; P10,655,373.31 sa parehong Security Bank account noong Abril 23, 2012; P10,655,371.81 uli sa parehong account noong Oktubre 22, 2012; at P10,655,371.81 uli sa parehong account noong Abril 10, 2013. May kabuuang halaga na P53,276,860.55.
“Si Sammy Uy ay isang kilalang political contributor ni Rodrigo Duterte at kilalang kasama o kasosyo ni Michael Yang, ang dating Economic Adviser ni Rodrigo Duterte, na siya namang iniuugnay sa mga kontrobersya ng Pharmally at POGO,” dagdag-impormasyon ni Trillanes sa kanyang affidavit.
