Sa ibinunyag na mga kopya ng Office of the Ombudsman hinggil sa mga Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Vice President Sara Duterte, natuklasang walang anumang cash on hand o bank deposits na isinagawa ang Bise Presidente mula 2019 hanggang 2024, kahit na patuloy na tumataas ang kanyang net worth.
Ayon sa House Committee on Justice, tumaas ng halos 60 percent ang net worth ni Vice President Sara Duterte mula 2019 hanggang 2024, ngunit sa loob ng parehong panahon, wala umanong nakasaad na cash on hand o cash in bank, maging sa mga Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng kaniyang asawa na si Atty. Mans Carpio.
“Sa madaling salita, ‘yung kanya pong cash na dineklara was only from 2007 up to 2018. Tama po ba? At nung 2019 up to 2024, kahit singko po, wala po siyang dineklara na cash at tsaka cash on hand. Tama po ba?” tanong ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, na agad namang kinumpirma ni Atty. Karen S. Batu ng Office of the Ombudsman: “Your Honor, wala pong nakalagay na cash on hand or bank deposits.”
Naniniwala ang ilang miyembro ng komite na ang hindi pagkakatugma sa mga SALN ni VP Sara ay maaaring indikasyon ng underdeclaration, na nagbubukas ng mga katanungan tungkol sa yaman ng Bise Presidente, lalo sa usapin ng pagtukoy ng probable cause sa impeachment kaugnay ng umano’y unexplained o ill-gotten wealth.
“Para sa akin po, ang biglaan at tuloy-tuloy na pagkawala ng deklarasyon ng liquid assets… sa kabila ng dati mayroon naman na mga halaga ng mga cash on hand/cash in bank, ay nagdudulot ng pagdududa sa kawastuhan at kabuuan ng subsequent SALNs ni VP Sara,” ayon naman kay Mamamayang Liberal (ML) Rep. Leila De Lima.
Ulat ni Bea Tanierla
