Bukas si Land Transportation Office (LTO) chief Vigor Mendoza II sa panukala ng isang party-list representative na gumawa ng special plates para sa mga electric vehicles sa bansa.
Sinabi ni Mendoza na kaniyang ikokonsulta ang panukala kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista hinggil sa House Bill 8570 na inihain ni Malasakit at Bayanihan Rep. Anthony Golez, Jr.
Sa ilalim ng panukala, aatasan ang LTO na gumawa ng special plates para sa mga e-vehicle na layuning humikayat ng mga Pilipino na gumamit nito upang maproteksiyunan ang kalikasan.
“Kasama ang inyong LTO sa mga panukala at mga aksyon para sa proteksyon ng ating kalikasan kaya welcome ito para sa amin bilang isang maliit na kontribusyon ng LTO sa pandaigdigang pagkilos para sa ating kalikasan,” pahayag ng opisyal.
“Maluwag at kampante na ang inyong LTO na tumanggap ng mga ganitong panukala dahil alam namin na in the few months’ time ay mareresolba na natin ang shortage sa license plates,” anang Mendoza.
Ilang car dealers ang nagsimula nang magbenta ng mga hybrid vehicles at isa sa mga pribilehiyo sa pagkakaroon nito ay ang exemption sa number coding ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at tax breaks mula sa gobyerno.
Sinabi pa ni Mendoza na ang panukala ni Rep. Golez ay hindi lamang makapagpapadali sa mga traffic enforcer na tukuyin ang e-vehicles kung hindi magbibigay karangalan din ito sa mga may-ari dahil sa kanilang ambag sa pangangalaga sa kalikasan.