Iminungkahi ng ilang senador, sa isang joint hearing ng Senate Committee on Basic Education, na maparusahan din ang mga magulang ng mga batang nambu-bully sa mga paaralan.
Ayon kay Sen. Bam Aquino, Basic Education Committee chairperson, kinakailangan ang mas matibay na preventive measures at mas mabilis na disciplinary action upang mabago ang kultura ng bullying sa mga paaralan.
“‘Yung parents need to be involved here. May nag-suggest online na baka daw ‘yung magulang kailangan rin i-penalize kapag ‘yung mga anak bully,” anang senador.
Sumang-ayon naman si Sen. Raffy Tulfo sa ideya ng pagpapataw ng parusa sa mga magulang ng bully at iminungkahi na community service ang isa sa maaaring ipataw na kaparusahan sa mga ito.
“Siguro community service, siguro sila maging janitor sa school, sila maglinis sa school, sila gagawa ng kung ano-anong project sa school…So para pag-uwi ng bahay ‘yung magulang papagalitan ‘yung anak na nambu-bully, paparusahan din niya,” ani Tulfo.
Ulat ni Bea Tanierla
