(Photo courtesy of Sen. Juan Miguel Zubiri)
Kabilang na si Senate President Juan Miguel Zubiri sa hanay mga mambabatas na sumusuporta na sa panawagang repasuhin ang pagpapatupad ng Manila Bay reclamation project upang matiyak na hindi ito magiging banta sa kalikasan at walang bahid ng anomalya.
Ang panawagan ni Zubiri ay bilang reaksiyon sa pahayag ng United States Embassy na bumabatikos sa proyekto na inuugnay sa environment, national security at transparency issues.
Ani Zubiri, mahalagang unahin ng gobyerno ang pagsasagawa ng “honest-to-goodness” impact study upang matiyak na hindi magdudulot ito ng peligro sa mga nakapaligid sa project site at walang mangyayaring korapsiyon sa pagkukumpuni nito.
“The US Embassy can officially write (to DENR), but they should have done it earlier. Sana noong nagkaroon ng stakeholder meeting, kasi may mga [environmental compliance certificates] ‘yan eh, ‘di naman lalabas ang environmental compliance certificates kung walang public hearings,” ani Zubiri.
Aniya, dapat din pagaralan ang naging babala ng US Embassy hinggil sa China Communications Construction Co., na nasa likod ng nagpapatupad ng proyekto, dahil sangkot umano ang nasabing kumpanya sa pagkukumpuni ng Chinese military structures sa Spratlys Islands na pinagaagawan ng ilang bansa, kabilang ang Pilipinas.
Bukod dito, iniuugnay rin ng US government ang China Communications sa mga maanomalyang transaksiyon ng Asian Development Bank (ADB) at World Bank.