Sa kabila ng paglalabas ng formal statement ni Vice President Sara Duterte na nagsabing wala siyang anumang naging relasyon kay Ramil Madriaga, na binansagang ‘bagman’ ng Bise Presidente, patuloy naman ang pagkalat ng mga larawan habang umano’y magkasama ang dalawa sa kasagsagan ng pangangampanya ng una noong 2022 elections.

Isa sa mga larawan ay nagpapakita diumano ng pag-abot ng noo’y Davao City mayor at vice presidential candidate Sara Duterte ng bandila ng Pilipinas na kuha sa campaign sorties mula Mindanao hanggang Luzon ng grupong “ISIP” o Inday Sara Is My President na itinayo ni Madriaga.

“In 2020, following the instructions of Mayor Sara Duterte, I formed Inday Sara is My President (ISIP) together with her classmates at San Sebastian College of Law, where I also graduated in 1995,” nakasaad sa sworn affidavit ni Madriaga na kanyang isinumite sa Office of the Ombudsman kamakailan.

“When Mayor Sara Duterte won as Vice President, I was tasked to form the Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG), which was established primarily to provide security and intelligence work for VP Sara,” dagdag ni Madriaga.

At simula noon, sinabi ng dating confidant ni VP Sara na naging kasangkapan na siya para maghatid ng mga confidential information at sa paghahatid, kasama ang mga opisyal ng OVPSG, ng bultu-bultong cash mula sa kontrobersiyal na confidential funds ng Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP), illegal drvgs, at Philippine offshore gaming operators (POGO) sa iba’t ibang indibidwal.