Nanawagan ang mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs sa International Criminal Court (ICC) na ibasura ang bagong apela na isinampa ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na humihiling sa “immediate” at “unconditional” release nito.

“Halos 10 taon na kaming naghahanap ng hustisya. Wala kaming napala sa mga korte sa Pilipinas kaya kami dumulog sa ICC. Hindi kami papayag na hindi mapaparusahan si Duterte,” ayon sa pamilya ng mga biktima ng drvg war noong Duterte administration.

Ito ay matapos maghain ng 21-page “Appeal Brief on Jurisdiction” ang kampo ni Digong noong Nobyembre 14 bilang pagkuwestiyon sa desisyon ng Pre-Trial Chamber I na nagpapatunay sa kapangyarihan ng korte na ipagpatuloy ang kaso laban sa dating pangulo dahil sa umano’y crimes against humanity.

Sa isang pahayag, pinuna ng mga kamag-anak ng biktima ang hakbang ni Digong bilang “continuing attempt to evade justice and accountability”.

Hinikayat naman ng National Coordinator ng Rise Up for Life and for Rights ang ICC na ipagpatuloy ang confirmation of charges at arestuhin ang mga kasabwat ni Digong sa lalong madaling panahon.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome